-- Advertisements --
SENATOR GRACE POE

Iginiit ni Senator Grace Poe, na walang dahilan na dapat suspindihin ang ipinag-uutos na pagpaparehistro ng SIM card dahil lamang sa mga aberya na nagbigay-daan sa mga pekeng ID na makalusot sa sistema nito.

Ito ang pahayag ng senadora sa mga ulat na nakapag parehistro ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ng ID gamit ang isang cartoon character na larawan para sa pagpaparehistro ng SIM card.

Kasabay nito ay hinihimok ng mambabatas ang mga telecommunication firm na tiyaking ginagawa nila nang maayos ang kanilang bahagi sa pagpapatupad ng batas.

Kung matatandaan, ipinakita rin ng National Bureau of Investigation sa Senate public services committee na nakapagparehistro ang isang SIM card gamit ang larawan ng unggoy sa ID picture.

Ngunit sinabi ni Poe na may akda ng batas sa pagpaparehistro ng SIM card, ang problema ay wala sa batas, kundi sa pagpapatupad nito.

Dapat aniyang ipagpatuloy ang pagpaparehistro ng SIM card ngunit dapat gumawa ng mas mahusay na trabaho ang telecommunication companies sa pag-verify ng pagkakakilanlan ng mga nagparehistro upang maiwasan ang paggamit ng mga SIM card ng mga scammer.