Kasabay ng pag-akyat sa bilang ng mga healthcare workers na tinamaan ng COVID-19 ay ang pagsirit din ng numero ng mga namamatay na medical frontliner dahil sa sakit.
Batay sa tala ng Department of Health (DOH), nasa 10,178 na ang total ng healthcare workers sa bansa na na-infect ng coronavirus. Mula sa kanila, 9,562 na ang gumaling; pero 63 naman ang namatay.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, 65% ng mga yumaong health care worker deaths ang may edad 50-anyos pataas; 60% ang kalalakihan, at 54% ang may iba pang sakit.
“Usual commorbidities natin would be cardiac problems, kidney and other organ issues tulad sa prostate, may lumalabas din na ganoon.”
Pinakamaraming infected healthcare worker na namatay sa unang buwan ng lockdown: 14 noong Marso, at 18 noong Abril. Pansamantala lang itong bumaba pagdating ng Mayo at Hunyo, pero muling sumirit nang Hulyo at Agosto.
“Of the physicians who died, there were 24, 88% of those died from March to May. While for those nurses who died, 65% out of the total 17 deaths among nurses died from June to September.”
“We know na yung mga pasyente ngayon na inaalagan, mostly admitted na, nasa loob na sila. Unlike before na lahat sila nasa ER (Emergency Room) pumapasok pa lang.”
Paliwanag ni Vergeire, kailangan pa nang malalimang pag-aaral para matukoy kung ano ang sanhi ng pagkahawa at pagkamatay ng healthcare workers bukod sa exposure sa confirmed cases.
“This is not just doctors and nurses, mayroon tayong allied healthcare professionals na namatay. Mayroon din tayong admin staff, also non-medical na kasama sa mga deaths na ‘yan.”










