-- Advertisements --

Hindi umangal ang mga alkalde ng Metro Manila sa mungkahi na isara ang mga sementeryo sa buong syudad sa All Saints’ Day at All Souls’ Day o araw ng mga patay.

Ang hakbang na ito ay para hindi na kumalat pa ang coronavirus disease sa oras na magkumpo-kumpol ang mga tao na nagnanais bisitahin ang kanilang mga mahal sa buhay sa sementeryo.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Jojo Garcia na pumayag ang karamihan sa mga alkalde sa Metro Manila na huwag munang buksan ang mga sementero sa kanilang mga nasasakupan.

Nakatakda rin itong makipagpulong sa mga ito sa Linggo upang magtalaga naman ng mga standard policies sa temporary shutdown na kanilang gagawin.

Maglalabas din aniya ang Inter-Agency Task Force (IATF) ng kanilang sariling guidelines na ipapatupad naman sa buong bansa.

Sa Lungsod naman ng Maynila ay isasara na ang lahat ng sementeryo simula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3 alinsunod na rin sa utos ni Manila Mayor Isko Moreno.