-- Advertisements --

Pabor ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng mga lokal na pamahalaan na ilathala ang listahan nang mga nabigyan ng emergency cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.

Sa isang virtual presser, sinabi ni DSWD Usec. Camilo Gudmalin na tama lang isapubliko ang naturang listahan upang sa gayon makita ng publiko kung sinu-sino ang mga benepisyaryo ng naturang programa.

Sa oras aniya na may napasama sa listahan at nabigyan ng P5,000 hanggang P8,000 na ayuda kahit hindi qualified beneficiaries, sinabi ni Gudmalin na maari itong isumbong kaagad sa mga otoridad.

Sa ngayon, mahigit P22 billion na ang naibigay aniya ng DSWD para sa 4.7 million mula sa 18 million beneficiaries ng SAP.

Sa naturang bilang, mahigit P6 billion ang naipamahagi sa mahigit 1 million non-4Ps beneficiaries.

Aabot naman sa P16.3 billion ang naipahatid na sa 4Ps beneficiaries na may cash cards.

Mahigit P323 million naman ang naibahagi na sa 40,000 na PUV drivers sa National Capital Region.

Sinabi naman ni Gudmalin na sa kabuuan ay P74 billion na ang downloaded sa 1,359 LGUs sa buong bansa.

Bukod sa emergency subsidy, patuloy namang nagpapahatid ng augmentation assistance sa mga LGUs na nangangailangan ng family food packs.

Sa kasalukuyan, pumapalo na sa 445,589 food packs na nagkakahalaga P173 million ang kanilang naipamahagi sa mga LGUs.

Gayundin, nagbigay tulong din ang ahensya sa 18,649 pasyente na may COVID-19 related cases, na aabot sa P86 million na ipinahatid sa pamamagitan assistance to individual in crisis situation.

Sinimulan na rin ang pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap na nakakatanda na kabilang sa social pension.