-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nanawagan ng general election ang ibat ibang sector matapos silang mawalan ng tiwala sa conservative party ng United Kingdom dahil sa pagtanggal kay Chancellor Kwasi Kwarteng at pinalitan ng bagong chancellor na si Jeremy Hunt.

Sinasabing racism ang dahilan ng pagpapalit ni Prime Minister Liz Truss kay Kwarteng na isinilang sa United Kingdom ngunit may dugong Nigerian.

Nangyari ang pagpapalit kay Kwarteng dahil sa mga kritisismo at komento laban sa kanya.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Atty. Girlie Gonito na dahil sa pagbabago sa ilang posisyon sa gabinete nang maitalaga si Prime Minister Liz Truss ay umurong ang maraming investor sa United Kingdom. Dinala nila ang kanilang pamumuhunan sa ibang bansa sa Uropa.

May negatibong epekto aniya ang pagpapalit kay Chancellor Kwarteng ilang linggo matapos siyang italaga sa puwesto kaya nawalan ang ibang sektor ng tiwala sa pangasiwaan ng prime minister.

Tumaas ang interest rates at presyo ng mga bilihin na pinatindi ng pagtataas ng buwis ng mga nagtatrabaho habang hindi binawasan ang buwis na binabayaran ng mga mayayaman.