Nagbigay ng mga rekomendasyon ang isang mambabatas para matugunan ng pamahalaan ang kakulangan ng nurses sa ating bansa.
Ayon kay House civil and professional regulation panel chairperson Kristine Tutor na kailangang masolusyunan ang gap sa sahod ng mga nurse na nasa pribado at pampublikong mga ospital.
Tulad na lamang ng pagkakaroon aniya ng minimum wage rate lalo na sa private nurses na nasa P700 hanggang P1,000 kada araw.
Saad pa nito na ang isang nurse na nagtratrabaho sa mga ospital na nasa ilalim ng Department of Health (DOH) ay sumasahod ng P36,000 kada buwan doble na mas mataas kumpara sa sahod ng mga nurse sa pribadong ospital na pumapalo lamang sa P12,000 hanggang P15,000.
Kayat dapat na iprayoridad ang pagtugon sa wage gap o kung hindi naman ay taasan ang deployment cap ng medical professional sa ibang bansa kung saan mas nabibigyan sila ng mas mataas na sahod.
Isa pa sa inirekomendang solusyon ng mambabatas ay ang pag-amyenda sa nursing law na nagpapahintulot sa Professional Regulation Commission (PRC) na mag-isyu ng mga lisensiya sa iba pang uri ng mga nurse gaya ng nurse practitioners, nurse assistants at nurse aids.
Maaari din aniyang mag-hire ang pamahalaan ng mga contractual at job order medical professionals para mabawasan ang workload ng nurses.
Sinabi din ng mambabatas na sa halip na ipatupad ang nauna ng panukala ni Health Secretary Ted Herbosa na mag-hire ng mga unlicensed nurse na bumgasak sa board exam para mapunan ang nasa 4500 bakanteng plantilya sa mga government hospital, dapat aniya na iprayoridad ng pamahalaan ang pag-hire sa libu-libong mga lisensiyadong nurse na nasa ating bansa.