-- Advertisements --

Target ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang pagproseso at release ng loans sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng COVID-19 crisis.

Sa kanyang ika-siyam na report sa Kongreso, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang DA, sa pamamagitan ng kanilang Agricultural Credit Policy Council (ACPC), ay pinadali na ang implementation ng Expanded SURE Aid and Recovery Project.

Ayon kay Pangulong Duterte, streamlined na ngayon ang proseso para sa naturang programa, kung saan pinapayagan na ang online submission ng mga documentary requirements, pagtanggap ng endorsement ng mga municipal agriculturalists para sa mga unregistered farmer/fisher applicants, batch processing at release ng mga loans, at online orientation para sa mga partner institutions at ACPC field staff.

Patuloy na nakikipag-ugnayan din aniya sa ngayon ang ACPC sa mga money remittance/payment service providers para mas mapabilis ang pagpapahatid ng pondo sa mga marginalized and small farmers and fisherfolk (MSFFs) at agri-based micro and small enterprises (MSEs).

Nabatid na sa 40,000 target beneficiaries ng MSFFs, tanging 7,496 pa lang ang nakapag-avail ng naturang programa hanggang noong Mayo 19, 2020.

Sa P1 billion na alokasyon nito, P517.488 million pa lang ang nagagamit dito.

Samantala, sa 150 target beneficiaries naman ng Agri-Fishery based MSEs, 44 pa lang ang nakapag-avail ng programa hanggang noong Mayo 19, 2020.

Sinabi ni Pangulong Duterte na P300 million pa lang sa P1.5 billion na pondo ang nagagamit.