Hindi dahilan ang pagpila sa mga community pantries para lumabag sa curfew, ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.
Sagot ito ni Roque sa kanyang press briefing sa Cebu matapos tanungin kung dapat bang ituloy ng mga local at barangay officials ang pagpataw ng multa sa mga lalabas ng kanilang bahay sa kasagsagan ng curfew hours para lang pumila nang maaga sa mga community pantries.
Ayon kay Roque, hindi naman tutol ang pamahalaan sa kawang-gawa na ito sa harap ng kalbaryong pinapasan ng lahat sa gitna ng pandemya.
Subalit ayaw rin aniya ng pamahalaan na ang mga community pantry din ang siyang dahilan nang pagkalat ng COVID-19.
Kasabay nito ay muling nananawagan si Roque sa mga organizers ng community pantries na makipag-ugnayan sa mga local at barangay officials.
Magugunita na sa ilalim ng modified enhanced community quarantine status, ipinatutupad ang curfew hours mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga kinabukasan hanggang sa katapusan ng buwan.
Nito lang ay nasa 300 community pantries ang nagsulputan sa iba’t ibang lugar sa bansa kasunod nang pagtayo ni Ana Patricia Non ng kanyang Maginhawa Community Pantry sa Quezon City, na umantig sa puso ng maraming mga Pilipino para tumulong din sa kapwa.










