
Inihayag ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na mabilis natugunan ang mga kaso ng pagpatay sa mamamahayag sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang inulat ni PTFoMS Executive Director Undersecretary Paul Gutierrez kasabay ng 2023 Nationwide Media Summit sa lungsod ng Maynila.
Aniya, may warrant of arrest ang mga suspek, may nakakulong na habang ang iba naman ay pinaghahanap pa kabilang dito ang mga suspek sa likod ng pagpaslang sa radio broadcaster na si Percy Lapid noong Oktubre 2022 sa isang ambush sa Las Piñas city.
Sa kaso naman ng pagpaslang sa Radio journalist na si Cris Bundoquin na binaril-patay doon naman sa Calapan city sa Oriental Mindoro noong Mayo ng 2023, kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI ang isa sa mga suspek at nakatakdang simulan ang mga pagdinig sa kaso.
Samantala, sinabi pa ng opisyal na ang suspek sa likod ng pamamaril sa photojournalist na si Joshua Abiad noong Hunyo 2023 ay naaresto na.
Muling binigyang diin naman ng PTFoMS ang commitment nito na protektahan ang mga mamamahayag at sisiguraduhing aaksyunan at uusigin ang anumang banta o gawain ng karahasan para sa mas ligtas na media community.










