BUTUAN CITY – Ang mga nagawang mabigat na kasalanan ang dahilan kaya pinarusahan ng kamatayan ng New People’s Army (NPA) ang dalawang miyembro ng tribung Manobo sa San Miguel, Surigao del Sur.
Una nang kinilala ang mga biktima na sina Zaldy “Domingo” Ybañez, 65-anyos, at Datu Bernardino “Bandi” Astudillo, 70-anyos na tribal chieftain ng Barangay Magroyong sa nasabing bayan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng nagpakilalang tagapagsalita ng Guerilla Front Committee 30 ng NPA na si Ka Sandara, na si Datu Bernardino ay inireklamong gumahasa sa dalawa umano niyang anak at daughter-in-law pati na ang land-grabbing.
Habang si Domingo Ybañez ay sinasabing sangkot sa mga nakalipas na naganap na pagnanakaw at pagpatay.
Nagpabigat pa sa mga reklamo laban sa dalawa ang kanila raw pagpapagamit sa militar sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon laban sa kanila sa kabila na ilang ulit na silang pinagsabihan na iwasan ang mga ito.