Naninindigan ang Kamara sa kanilang isinusulong na patawan ng buwis ang digital economy.
Ito ay kahit pa inanunsyo kamakailan ng Estados Unidos na maglulunsad sila ng imbestigasyon sa mga bansang nagpapataw ng digital service act.
Pero ayon kay House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda, pangunahing may-akda ng digital economy tax, hindi naman maglalagay ng panibagong buwis ang Pilipinas pagdating sa digital service tax, o kahit man lang taasan ang anumang tax rate.
Ang kanilang isinusulong lamang aniya ay obligahin ang mga hindi nabubuwisang digital services na magbayad ng kanilang buwis sa pamahalaan.
Kaya hindi aniya apektado ang Pilipinas sa hakbang na gagawin ng Estados Unidos.
“In the Philippines, we are not asking for a new tax on these firms. We are just asking the untaxed to pay their fair share. Our old tax laws were not able to anticipate a new virtual world, so our regulations have not included them yet. But there is no question that they should be included in the tax base. If they make money out of Filipinos, they should pay the same taxes that everyone who makes money from Filipinos should pay. It’s not a complicated concept,” ani Salceda.
Mababatid na noong nakaraang buwan ay inihain ni Salceda ang House Bill 6765 o ang Digital Economy Taxation Act of 2020, na inaasahang makakalikom ng P29.1 billion na gagamitin sa laban ng pamahalaan kontra COVID-19.