-- Advertisements --

Tiniyak ni Speaker Martin Romualdez na ipaprayoridad ng Kamara ang pagpasa ng panukalang batas para sa legalisasyon ng motorcycle taxi at ireporma ang kasalukuyang regulasyon ng transportation network vehicle service (TNVS).

Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr na nagpahayag ng pag suporta na gawing legal ang motorcycle taxi at paluwagin ang regulasyon ng TNVS.

Kung maalala mismong si Pangulong Marcos ang nagnanais na bigyan ng mas maraming opsyon ang mga Pilipinong komuter.

Ginawa ng Pangulong Marcos ang kaniyang posisyon matapos ang pakikipagpulong nito sa mga opisyal ng Grab Holdings Inc. sa Malacañang kung saan nabigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mas maraming paraan ng pagbiyahe at solusyon sa mga problema sa sektor ng transportasyon.

Layunin ng panukala na tugunan ang mga legal na balakid sa legal na pagbiyahe ng mga motorsiklo na ipinagbabawal sa kasalukuyang batas. Sa kasalukuyan ay nag-o-operate ang mga motorcycle taxi sa Metro Manila at Cebu sa ilalim ng pilot testing lamang na sinimulan noong 2019.

Mayroong nakabinbin na motorcycle taxi bill sa Kamara kung saan nakapaloob rin ang pagkakaroon ng regulasyon para sa mga App-Driven Transport Network Companies.

Layunin ng regulasyon na matiyak ang kaligtasan ng mga mananakay at maging kabalikat ito sa pagpapa-unlad ng bansa.

Ayon kay Speaker Romualdez ang pagbibigay ng prayoridad sa House Bill 3412 na akda nina 1-Rider Partylist Reps. Rodge Gutierrez at Bonifacio Bosita ay tugon ng Kamara sa pagpapaganda ng transportation infrastructure at regulatory environment ng bansa alinsunod sa pagnanais ng Pangulo na maging inklusibo ang pag-unlad ng Pilipinas.

Nanawagan si Speaker Romualdez sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso na suportahan ang panukala at iginiit nag positibong epekto nito sa mga komuter, sektor ng transportasyon, at ekonomiya ng bansa.