Ikinalugod ng isa sa mga may-akda ng panukala na gawing legal ang operasyon ng motorcycle taxi sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na bigyang prayoridad ang nasabing measure.
Pinuri rin ni 1-Rider partylist Rep. Rodge Gutierrez ang naging pahayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na bibigyan ng prayoridad ng Kamara na maisabatas ang panukala.
Kasama ni Gutierrez bilang may-akda ng House Bill (HB) No. 3412 si 1-Rider partylist Rep. Bonificio Bosita.
Matatandaan na sinabi ni Speaker Romualdez sa mga kasamahan nito sa Kamara ang direktiba ni Pangulong Marcos na bilisan ang pagpasa ng panukala na magbibigay ng dagdag na opsyon sa mga pasahero.
Ang panukala nina Bosita at Gutierrez ay layong gawing legal ang pagiging pampublikong transportasyon ng motorsiklo at ayusin ang regulasyon sa transportation network vehicle service.
Ayon kay Romualdez ang posisyon ng Pangulo ay kasunod na rin ng naging pakikipagpulong nito sa mga opisyal ng Grab Holdings Inc. sa Malacañang, at pagbibigay diin sa pangangailangan ng accessible at maraming pamamaraan ng pagbiyahe.