Isinusulong sa Kamara de Representantes ang pansamantalang pagsususpinde o pagpapaliban sa pagbabayad ng loan ng mga tsuper at operator upang maibsan ang epekto ng krisis sa langis.
Sa ginanap na LEAD hearing nitong Miyerkules, ipinahayag ng Landbank at Bankers Association of the Philippines (BAP) na handa silang pag-aralan ang hiling na moratorium na katulad ng ipinatupad noong panahon ng pandemya.
Ang mungkahi ay nagmula kay Quezon City Representative Franz Pumaren, chairperson ng House Committee on Transportation, matapos lumapit sa kanya ang iba’t ibang grupo ng bus, jeepney, at mga hauler o trucker.
Ayon kay Pumaren, hirap na ang mga operator sa pagbabayad ng kanilang mga loan at kaukulang penalty dahil sa liit ng kinikita bunsod ng napakataas na presyo ng produktong petrolyo.
Tiniyak ni Eden Japitana ng Landbank na kasalukuyan na nilang inaamyendahan ang kanilang “CARES Plus” program upang maisama ang ganitong uri ng krisis sa kanilang relief facilities.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na kailangan ng suporta mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) dahil may mga reglamentaryong kinakailangan silang sundin bilang mga regulated institutions.
Nagpahayag din ng pagpayag ang pribadong sektor ng pagbabangko kung saan sinabi ni Arnel Almaden ng BAP na bukas sila sa koordinasyon sa BSP upang makabuo ng tamang mekanismo para sa deferment o pagpapaliban ng paniningil. Ayon kay LEAD overall chair at Marikina Representative Miro Quimbo, mas makabubuti para sa mga bangko ang mabayaran kaysa sa maremata ang mga sasakyan, kaya’t mahalagang makahanap ng balanse sa pagitan ng interes ng mga bangko at proteksyon sa mga manggagawa.










