Pormal nang pinayagan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pagbibigay ng hanggang anim na buwang palugit sa pagbabayad ng utang nang walang kaukulang parusa para sa mga Pilipinong labis na apektado ng kasalukuyang krisis sa enerhiya.
Batay sa inilabas na Monetary Board Resolution 296 na may petsang Abril 8, 2026, maaari ring ipagpaliban nang hanggang isang taon ang pagbabayad para sa mga agricultural loans, depende sa magiging pagsusuri at basbas ng bangko.
Bilang karagdagan sa luwag na ito, ang mga apektadong utang ay pansamantala ring hindi ibibilang sa kategorya ng past-due at non-performing loan sa loob ng isang taon, alinsunod sa mga panuntunan sa pag-uulat.
Sa kabila ng panukalang ito, pinaalalahanan ng BSP ang mga bangko at financial institutions na maging maingat at tiyaking ang tulong ay maibibigay lamang sa mga karapat-dapat.
Ang regulatory relief na ito ay tugon ng ahensya matapos ideklara ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. noong nakaraang buwan ang isang state of national energy emergency.
Bahagi ng hakbang ng pangulo ang pagpapatupad ng UPLIFT program upang suportahan ang mga pangunahing sektor tulad ng transportasyon, agrikultura, at MSMEs.
Nag-ugat ang nasabing krisis dahil sa matinding paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado bunsod ng nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa Pilipinas, bagama’t nagkaroon ng rollback sa presyo ng langis nitong Abril 14, hindi pa rin umano ito sapat upang mabawi ang epekto ng magkakasunod na 13 linggong pagtaas sa gasolina, at 15 linggo sa diesel at kerosene.
















