Ipagpapatuloy ngayon ng Commission on Elections ang pagsasagawa ng voter registration upang mas maraming Pilipino pa ang mabigyan ng pagkakataong makaboto kasunod ng paglagda ng Pangulo sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, naipaalam na aniya sa poll body ang paglagda bilang batas ni Pangulong Bongbong Marcos sa Republic Act 11935 na nagpapaliban sa December 2022 BSKE. Inamyendahan nito ang Republic Act No. 9164.
Sa bisa ng naturang batas, ang halalan para sa Barangay at Sangguniang kabataan ay isasagawa na sa Octubre ng taong 2023.
Sinabi din ng Comelec chairman na maglalabas ang poll body ng anunsiyo kaugnay sa adjustment ng calendar para sa mga aktibidades sa lalong madaling panahon.
Gayundin kanilang sisiyasating muli ang existing at nakaplanong procurement contracts kaugnay sa BSKE.
Ayon pa kay Garcia na magbibigay din ito ng pagkakataon sa komisyon para maayos ang education at information programs para sa benepisyo ng mga electorate at posibleng mga kandidato ng BSKE.