-- Advertisements --

Binabantayan ng Department of Health (DOH) ang mga posibleng paglabag sa minimum health protocols sa mga election-related mass gatherings.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ito ang isa rin aniya sa mga dahilan kung bakit minabuti muna ng national government na panatilihin ang Alert Level 2 sa National Capital Region.

Sinabi ni Duque na ang hakbang na ito ay paraan upang ma-offset ang mga paglabag sa mga election-related mass gathering.

Babala pa niya na maaring maging superspreader events ng COVID-19 ang mga aktibidad na may kaugnayan sa halalan kaya marapat na mahigpit na sundin ng lahat ang nakalatag na minimum health protocols.

Mababatid na bago pa man pormal na nagsimula ang campaign period ay naglabas na nang panuntunan ang Commission on Elections hinggil sa pangangampanya, kabilang na ang pagbabawal sa selfies at paglimita sa bilang ng mga tao na puwedeng ma-accomodate sa mga campaign rallies o gatherings.

Sa kabilang dako, sinabi ni Duque na posibleng mailagay sa Alert Level 1 ang ilang mga lugar sa bansa pagsapit ng Marso 1.

Inaasahan kasi aniya nila na bababa pa lalo ang mga maitatalang bagong COVID-19 cases.

Para magawa ito, malaki ang papel talaga nang pagsunod sa health protocols at maging mahigpit sa safety seal program sa mga establisiyemento.