-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Ang pagpapaliban sa Barangay at Sanguniang Kabataan Elections ay mayroong malaking negatibong epekto sa demokrasya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst na ang COMELEC mismo ay pabor na ituloy na ang Barangay at Sangguniang Kabataan habang ang umaayaw na matuloy ang halalan ay mga politiko o mga mambabatas pangunahin na ang mga miyembro ng mga political dynasties na mga walang paggalang sa demokrasya at sarili lang ang kanilang iniisip.

Wala rin namang masabi ang mga mambabatas na makabuluhang dahilan para ipagpaliban ang halalan.

Ang sinasabi nilang dahilan ay para sa pagtitipid ngunit ang matitipid naman ay dadalhin sa ayuda.

Ang magiging epekto anya ng pagpapaliban ng halalan ay baka maisip ng mga kabataan na walang halaga ang demokrasya maging ang Barangay at SK sa sistema ng Gobyerno.

Binigyang diin pa ni Atty. Yusingco na mahalaga ang Sangguniang Kabataan at Barangay sa sistema ng Gobyerno dahil sila ang “frontliners of government”.

Ang makakapigil lamang na maipagpaliban ang Barangay at SK Elections ay kung sasabihin ng Pangulo na tuloy ang halalan at hindi na ito itutuloy ng mga mambabatas na magpasa ng batas

Mayroon ding magagawa ang Senado kapag nakinig sa COMELEC, PPCRV at LENTE maging sa taumbayan na huwag nang magpasa ng batas na tulad ng ginawa sa KAMARA.