-- Advertisements --

Binago at ginawang panukalang batas ng mga kongresista ang joint resolution na nagpapalawig sa shelf life o validity ng 2019 budget.

Ito ay kahit pa aprubado na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Joint Resolution No. 19 bago pa man ang kanilang break noong Oktubre.

Iginiit ni House Committee on Appropriations chairperson Isidro Ungab na anuman ang nilalaman ng naturang resolusyon ay napanatili sa loob ng House Bill 5400.

Co-author ni Ungab sa panukalang batas na ito si Deputy Speaker Loren Legarda, co-authors of House Bill (HB) No. 5400.

Sa isang panayam, sinabi ni Ungab na pinalitan lamang nila ang porma ng legislation na ito alinsunod na rin sa naging desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing hindi maaring amiyendahan o i-repeal ng isang resolusyon ang existing na batas.

Ayon kay Ungab, nauna nang nagbabala ang Senado na masasagasaan ang House Joint Resolution No. 19 ang Saligang Batas.

Ito ang dahilan kung bakit binago at ginawa nila ang resolusyon na ito bilang isang panukalang batas, na kasalukuyang na-refer na sa House Committee on Rules.