-- Advertisements --

Hindi naniniwala si National Irrigation Administration (NIA) administrator Ricardo Visaya na ang pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam ang “major cause” ng pagbaha sa Cagayan Valley noong manalasa ang Bagyong Ulysses.

Sa kanyang presentation sa joint hearing ng House committee on agriculture and food and the committee on North Luzon growth quadrangle, ipinakita ni Visaya ang matrix na naglalaman ng mga datos sa mga kalamidad na tumama o may epekto sa Cagayan sa mga nakalipas na taon.

Sinabi ni Visaya na noong manalasa ang Bagyong Emong noong Mayo 2009, ang maximum water discharge ng Magat Dam ay 8,068 cubic meters per second (cms), habang ang water level naman sa Buntun Bridge sa Tuguegarao ay nasa 9.82 meters.

Sa habagat naman noong Nobyembre 2010, sinabi ni Visaya na nagpakawala ang Magat Dam ng maximum na 1,351 cms, mas mababa kumapara sa pinakawalan na tubig noong tumama ang Bagyong Emong.

Pero, ayon sa kalihim, ang water level sa Buntun Bridge noong panahon na iyon ay umabot ng 12.70 meters, mas mataas kumpara sa naitala noong Bagyong Emong.

Kinumpara ang mga ito ni Visaya nang manalasa naman ang Bagyong Ulysses kung saan nagpakawala ang Magat Dam ng 6,706 cms, mas mababa kumapara noon sa Bagyong Emong.

Pero sa kabila nito, umabot naman ang tubig sa Buntun Bridge ng hanggang 13.2 meters.

“Now, can we draw a conclusion from this matrix? Yes. Is it really Magat Dam that provides or is the major cause of the flooding in Cagayan? I don’t think so,” ani Visaya.

Iginiit ni Visaya na 15 percent lamang ang ambag na tubig ng Magat Dam sa buong Cagayan River basin.

Bukod dito, mahigit 130 kilometers din aniya ang layo ng Magat River mula sa Tuguegarao City sa Cagayan, at base sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), aabot ng 20 hanggang 24 oras bago pa man makarating sa Tuguegarao ang tubig na papakawalan ng Magat Dam.