Nanindigan ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapadala ng dalawang Mandaluyong police sa Marawi City.
Ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, ang deployment sa tinaguriang “yantok cops” ay bahagi ng regular na aktibidad sa kanilang hanay.
Si PNP chief police director Gen. Ronald Dela Rosa na aniya mismo ang nagdesisyon ukol dito.
Sinabi ni Carlos na kung hindi man ito nagustuhan ng lokal na pamahalaan ng Marawi at Lanao del Sur, kailangan din nilang tingnan na maraming pulis sa Mindanao ang naililipat sa Visayas at Luzon.
Maliban sa dalawang pulis na nambugbog sa mga naaresto sa Mandaluyong na nalipat sa Marawi, marami ring pulis na mula sa Region 4-A at Region 3 ang naipadala rin doon.
Nabatid na nag-report na sa Marawi ang dalawang pulis Mandaluyong kay PNP Autonomous Region in Muslim Mindanao regional director C/Supt. Reuben Theodore Sindac.
Una rito, umalma ang lokal na pamahalaan ng Lanao del Sur kaugnay sa ulat na idedeploy sa Marawi ang dalawang yantok cops.