Abuso sa kapangyarihan ang ginawa ni Speaker Alan Peter Cayetano nang maliitin nito si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa kanyang privilege speach kahapon sa plenaryo ng Kamara, ayon kay PBA party-list Rep. Jericho Nograles.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Nograles na totoong pinahihintulutan silang mga kongresista na makapagsalita sa privilege hour, pero mali naman aniya na maliitin nito si Velasco para itaas o ibida ang sarili.
“Hindi naman masyadong tama iyong ginagawa niya na siya na ang pinakamagaling sa balat ng lupa. Nakakahiya nga iyong sinabi niya na siya lang ang nakapag-change ng House na naging House of the People. Iyon na-claim niya iyon. Nakakalungkot iyan dahil iyong House of the People ay na-establish noong 14th Congress. Hindi man lamang siya kasama doon. Hindi naman kasama namin kasama sa House of Representatives noon,” ani Nograles
Kinantiyawan din ni Nograles ang isa sa mga dahilan ni Cayetano kung bakit nito ninanais na manatili munang lider ng Kamara sa mga susunod na buwan kahit hanggang sa kanyang ika-50 kaarawan man lang.
“Nakausap ko nga ang isang Jollijeep sa labas. Tinanong ko, “ano ang tingin niyo sa speach?” at tumawa lamang ang tindera. Sabi niya, “ano iyon birthday o budget?”. Gusto niya maging Speaker dahil sa birthday. Masyado naman, not at the expense of the taxpayers time, not at the expense of taxpayers’ money and not at the expense of the budget of the Republic of the Philippines,” giit ni Nograles.
Puna pa ni Nograles, kung may sama ng loob si Cayetano matapos sabihan ni Pangulong Duterte na igalang ang term-sharing agreement nila ni Velasco ay hindi dapat ito naglitanya sa plenaryo ng Kamara kundi sa Facebook na lamang.
Nasayang lamang kasi aniya ang oras nila na dapat ay ginugol na lamang sa plenary deliberations sa 2021 proposed P4.5-trillion national budget.
Gayunman, naniniwala si Nograles na hindi naman sadya ni Cayetano na mauwi sa pagkakadiskaril ng budget ang ginawa niyang pag-alok ng resignation bilang lider ng Kamara.
Samantala, sa isang panayam, sinabi ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na hindi niya ipapayo kay Cayetano na ialok ulit ang kanyang pagbibitiw sa speakership post pagsapit ng Oktubre 14.
Ayon kay Defensor, ang kampo aniya ni Velasco ang magdeklarang vacant sa naturang posisyon.
Sa naganap na botohan kahapon, 184 kongresista ang nagsabing sila ay tutol sa hirit na resignation ni Cayetano, 1 ang pabor at 9 ang abstention.










