Dumipensa ang Department of Transportation (DOTr) sa kanilang desisyon na luwagan ang physical distancing rules sa mga public utility vehicles (PUVs).
Sinabi ni DOTr Undersecretary Artemio Tuazon Jr. ang desisyon nilang ito ay nagmula sa hiling mismo ng mga mamamayan.
Sinabi ni Tuazon na dahil paunti-unti nang binubuksan uli ang ekonomiya ng bansa, maraming mga manggagawa ang kailangan din ng masasakyan papasok sa kanikanilang mga trabaho.
Mula sa dating isang metro na physical distancing ay binawasan ito at ginawa na lamang na 0.75 meters.
Ito ay para matulungan umano ang public transport sector na makabangon mula sa epekto ng lockdown measures na ipinatupad sa mga nakalipas na buwan.
Base sa plano ng DOTr, babawasan pa ulit ang physical distancing sa mga PUVs ng hanggang 0.5 meters sa darating na Setyembre 28 at 0.3 meters naman pagsapit ng Oktubre 12.
Nauna nang sinabi ni Interior Sec. Eduardo Año na dapat dinadgdagan na lamang ang bilang ng mga PUVs na pinayagang makabiyahe kaysa bawasan o luwagan ang physical distancing measures.
Pero ayon kay Tuazon, nagawa na rin naman nila ito matapos na dagdagan ng 28 pang ruta para sa mga PUVs, na nangangahulugan na karagdagang 1,000 jepneys.