-- Advertisements --

Suportado ng Department of Energy (DOE) ang pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution upang pumasok sa bansa ang mga dayuhang mamumuhunan.

Ayon sa DOE inaasahan na aabot sa 1.5 milyong trabaho ang malilikha sa renewable energy (RE) sector dahil sa mga bagong kontrata na natapos noong 2023 sa sandaling payagan na umano ang 100% foreign ownership sa RE sector ay inaasahan na mas marami pang trabaho ang malilikha.

Sa ikatlong araw ng pagdinig ng House committee of the whole sa Resolution of Both Houses No. 7 noong Miyerkoles, sinabi ni DOE Undersecretary Sharon Garin na mayroong 357,459 katao na nagtatrabaho sa Renewable Energy sector noong 2022.

Batay sa datos na ito, ipinaliwanag ni Garin na nakalilikha ng 10 direct jobs at 30 indirect jobs sa bawat megawatt (MW) na nalilikha.

Mayroon din umanong mga dagdag na trabahong nalikha sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa mga pantalan, power transmission at pagmimina, partikular ang Vanadium na isang sangkap na ginagamit sa paggawa ng space vehicle, nuclear reactor, aircraft carrier, at iba pa.

Dagdag pa nito na mayroong mga dayuhang mamumuhunan na nagpaplano na magtayo ng mga planta sa bansa para sa turbine at semiconductor controllers.

Ayon sa opisyal lumaki ang dayuhang pamumuhunan sa RE sector mula ng payagan ang 100% foreign ownership rito.

Sinabi ni Garin, sa 400 panukalang kontrata para sa Renewal Energy, nasa 275 service contract applications para sa 39,000 gigawatts (GW) capacity na nagkakahalaga ng P8 trilyon ang inaprubahan ng gobyerno.

Inihayag ni Garin 80% ng halos P1.3 trilyon foreign direct investment na nakarehistro sa BOI noong 2023 ay mga energy project.

Binanggit ni Garin ang Triconti ECC partnership, isang Swiss-German-Filipino joint venture na lilikha ng 1.6 GW ng offshore wind capacity sa Luzon at Visayas, na inaasahang lilikha ng 3,600 direct at indirect na trabaho.

Ayon sa opisyal ang Pilipinas ang ika-apat sa pinaka attractive na bansa para sa green energy investment sa listahan ng 110 bansa.

Binigyang-diin ni Garin ang kahalagahan sa lipunan ng pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa na mayroong bitbit na mga bagong teknolohiya bukod sa pondo.