Maglulunsad ng pagsasanay ang Philippine at US Marine Corps kaugnay sa paglilipat sa displaced overseas Filipino workers (OFWs) sa mga probinsiya ng Batanes at Ilocos Norte sa northern Luzon na nakaharap sa Taiwan.
Ito ay bilang parte ng taunang joint exercise na tinawag na Kamandag na nagsimula na ngayong araw ng Martes, Oktubre 15 at magtatagal hanggang sa Oktubre 25 na lalahukan ng 2,500 troops.
Kasama din sa joint drills sa unang pagkakataon ang France, Thailand at Indonesia bilang mga observer habang ang Australia, Japan, UK at South Korea naman ay magpapadala ng kanilang mga tropa gaya ng mga nakalipas na taon.
Ilan sa mga planong aktibidad sa pagsasanay na gagawin sa Burgos, Ilocos Norte at sa Basco at Itbayat sa lalawigan ng Batanes ay ang engineer assessment para sa mga humanitarian assistance projects sa hinaharaap at integrated partnered planning para sa pagtanggap ng displaced OFWs.
Ang iba pang pagsasanay sa Kamandag ay ang live fire drills, amphibious landings at disaster response demonstrations.
Samantala, ang iba namang pangunahing training venues ay gaganapin din sa probinsiya ng Palawan at Central Luzon region.
Ang naturang pagsasanay ay sa gitna na rin ng patuloy na tensiyon sa pagitan ng China at Taiwan, isang potensiyal na flashpoint malapit sa sea border ng Pilipinas sa hilagang Luzon.
Nilinaw naman ng Philippine Marines Corps na ang Kamandag exercises ay bilang depensa sa kabuuan at hindi nakadirekta sa anumang partikular na banta. Layunin din aniya nito na mapalakas pa ang pandaigdigang kooperasyon para sa kapayapaan at stability sa Indo-Pacific region.