-- Advertisements --
drilon4

Inihayag ni dating Senate President Franklin Drilon na posibleng paglabag sa konstitusyon ang paglilipat ng Office of the President ng P125 million sa confidential funds ng Office of the Vice President noong 2022.

Paliwanag ng dating Senate President base sa batas, ang paglilipat ng pondo mula sa isang ahensiya papunta sa ibang ahensiya ay valid kapag kailangang ma-augment ang isang item. Subalit inalala ng dating Senador na walang item para sa confidential funds sa OVP nang pagdebatehan nila ang panukalang pondo noong nakalipas na taon.

Kinumpirma din mismo ng tagapagsalita noon ni VP Leni Robredo na si Atty. Barry Guttierez na walang alokasyon para sa confidential funds ng OVP.

Sinabi pa ni Senate President Drilon na sa naging desisyon ng Korte Suprema na hindi maaaring gamitin ang kapangyarihang mag-augment para lamang pondohan ang non-existing items sa budget. wala din aniyang kakulangan sa item na nangangailangan ng augmentation.

Matatandaan na una ng iniulat ng Commission on Audit na mayroong P125 million sa confidential expenses noong 2022 ang OVP.

Dinepensahan naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang paglalabas ng OP ng P221.4 million kabilang ang P125M sa confidential funds ng OVP na may legal na basehan alinsunod sa special Provision 1 sa ilalim ng 2022 Contingent Fund.

Inaprubahan din aniya ito ni President Ferdinand Marcos Jr. sa ilaim ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE).