KALIBO, Aklan – Malaking karangalan na mapabilang ang Isla ng Boracay sa Time Magazine ‘50 World’s Greatest Places of 2022.’
Ito ang sinabi ni Nenette Aguirre-Graf, stakeholder at board of trustee ng Boracay Foundation Incorporated, grupo ng mga negosyante sa isla.
Subalit, ang naturang panibagong pagkilala umano ay may kasamang malaking responsabilidad hindi lamang sa mga taga-Malay at Aklan kundi sa buong bansa.
Ani Graf, kailangang mapanatili ang pangangalaga sa paligid lalo pa at ang pangunahing atraksyon dito ay ang maputi at pinong buhangin gayundin ang malinis na baybayin.
Umaasa rin sila na ang pagkilala ng naturang award-winning publication ay makatulong upang maabot ng bansa ang target nito na muling makabalik sa dating posisyon sa global market.
Nabatid na noong 2018 ay anim na buwang ipinasara ang Boracay matapos bansagang cesspool ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kabilang daku, kahit hindi pa umano tuluyang natapos ang pagsasaayos sa drainage system at ilang bahagi ng kalsada sa isla, sa pangkabuuan ay kinikilala at pinapasasalamatan nila ang matagumpay na pag-rehabilitate ng Boracay sa ilalim ng Duterte administration.
Ipinasa na aniya ang naturang mga infrastructure works sa LGU-Malay kasunod ng pagtapos ng termino ng Boracay Inter-Agency Task Force.