-- Advertisements --

NAGA CITY – Isa umano ang pangongolekta ng mga artworks katulad ng mga paintings at sculptures ang kinahiligan ni dating Cong. Atty. Rolando “Nonoy” Andaya noong ito’y nabubuhay pa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Harold Gomez, isa sa mga natulungan ng dating kongresista, sinabi nito na kada mayroon silang mga exhibit, nagbibigay talaga ito ng oras kahit pa umano palagi itong abala lalo na kung nandito rin lamang naman ito sa lugar.

Aniya, kada magpupunta sa exhibit, sigurado nang may dala itong pambili at kung mayroong magustuhan ay agad naman nitong binabayaran ng cash.

Ngunit, ayon pa kay Gomez, bago nito bilihin ang artwork, iniaalam muna nito ang kwento sa likod ng kaniyang bibilhing painting.

Kung kaya kaugnay nito, labis na lamang nilang ikinalungkot ang pumanaw ni Andaya.

Ayon pa kay Gomez, dahil sa pagkawala ng dating opisyal, nawalan na rin umano sila ng isang masugid na taga-suporta sa mga local artist na katulad nila.

Sa ngayon, nagpasalamat na lamang ito sa lahat ng tulong na naibigay ng dating kongresista sa kanila.