Nasa kabuuang 20 sabungero na ang iniulat na nawawala sa ngayon, batay sa report ng PNP.
Una ng iniulat na may 10 sabungero ang nawawala mula sa Laguna at Maynila at 10 sabungero din ang missing sa Bulacan na iniimbestigahan ngayon ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Sa isang pahayag, sinabi ng PNP na pinapaigting na ngayon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kanilang imbestigasyon sa mga nawawalang indibidwal.
Base sa impormasyong natanggap, mahigit walong buwan nang nawawala ang 10 sabungero sa Bulacan at nanggaling din umano sila sa kaparehong cockfighting arena sa Sta. Cruz, Laguna na pinuntahan din ng ibang sabungerong nawawala.
Nabatid na unang napaulat ang apat na sabungerong nawawala sa Sta. Cruz noong January 13.
Sinundan ito ng isa pang insidente ng anim na sabungerong nawala sa Maynila sa kapareho ring araw.
Paliwanag ni PNP chief Police General Dionardo Carlos, sinisilip na nila ang pattern sa insidente.
Inaalam din nila kung may sindikato nga ba sa likod ng pagkawala ng mga sabungero.