Hindi lamang coronavirus disease ang malaking problema na hinaharap ngayon ng Estados Unidos ngunit pati na rin ang racial crime.
Isang malawakang kilos-protesta kasi ang isinagawa ng mga residente mula sa iba’t ibang estado sa Amerika dahil sa pagkamatay ni George Floyd, 46-anyos at isang black american.
Batay sa mga reports, nakiusap umano si Minneapolis Mayor Jacob Frey kay Minnesota Gov. Tim Walz na magpadala ng National Guard sa kanilang lugar upang kontrolin ang kaguluhan.
Nais ng mga ito na arestuhin ang mga pulis na tumuhod sa leeg ng biktima na naging rason ng agarang pagkamatay nito.
Pinagbabato ng mga raliyista ang sasakyan ng mga pulis habang bumawi naman ang mga otoridad sa pamamagitan ng pagbato ng pepper spray at tear gas sa mga nanggugulo.
Nagkaroon din ng palitan ng putok ng baril sa magkabilang kampo kung saan marami ang sugatan.
Makikita sa viral video na ilang ulit nagmakaawa si Floyd para tanggalin ng pulis ang tuhod nito sa kaniyang leeg dahil hindi na raw ito makahinga.
Ilang mambabatas na rin ang nagpahayag ng kanilang pagkabahala sa insidente kung kaya’t inutusan ni President Donald Trump ang Federal Bureau of Investigation (FBI) na magsagawa ng open investigation tungkol dito.