-- Advertisements --
yosi

Nananatiling mataas ang binabalikat na pagkalugi ng mga industriya ng sigarilyo sa Pilipinas, dahil sa smuggling.

Iniulat ng grupong Federation of Philippine Industries na pito mula sa 10 sigarilyo sa Pilipinas ay ipinuslit o smuggled mula sa ibang mga bansa.

Ayon sa presidente ng naturang grupo na si Jesus Arranza, malaki ang epekto ng mataas na taripang ipinapataw ng pamahalaan sa sigarilyo, kayat marami ang na-eenganyong magpuslit ng sigarilyo.

Tinukoy ni Arranza ang isang pag-aaral na isinagawa ng University of Asia and the Pacific kamakailan kung saan umabot sa P22 billion ang naging lugi ng mga negosyante ng sigarilyo habang P84 billion naman ang lugi ng pamahalaan dahil sa pagpupuslit ng sigarilyo.

Ang malaking lugi aniya ay isa sa mga dahilan kung bakit may ilang kumpanya na labis na bumababa ang kita at kinailangan nang bawasan ang manpower at production.

Ikinalungkot ng grupo na ang taripang makukuha sa sigarilyo ay dapat sanang mapupunta sa Universal Healthcare program ngunit dahil sa talamak na pagpupuslit ay napupunta lamang ito sa bulsa ng mga smugglers.

Ayon pa kay Arranza, matagal na itong nangyayari at bilyon-bilyong pondo na ang nawawala dahil sa hindi natutugunan ng pamahalaan.