-- Advertisements --

Nangangamba ngayon ang mamamayan ng Estados Unidos matapos ipag-utos ni US President Donald Trump sa isang pribadong technology firm na kolektahin ang lahat ng coronavirus related data na mayroon ang mga ospital sa bansa.

Mas mapapabilis daw kasi ang paglalahad ng impormasyon kung hindi na pangangasiwaan ng US Centers for Disease Control and Prevention ang mga naturang datos.

Giit naman ng direktor ng CDC na ayos lang sa kaniya ang pagbabagong ito sa kabila ng pagpapahayag ng takot ng ilang eksperto.

“The CDC has agreed to step out of the government’s traditional data collection process in order to streamline reporting,” ani Dr. Robert Redfield mula U.S. Department of Health and Human Services.

Sa inilabas na dokumento ng HHS sa kanilang website, ipinag-utos nito sa lahat ng ospital na idirekta sa nasabing ahensya ang daily reporting nila upang malaman kung gaano na kalala ang epekto ng deadly virus. Sisimulang kolektahin ng TeleTracking Technologies ang mga datos.

Maaari namang humingi ng written release ang mga ospital na direkta nang nagre-report sa mga state health deaprtments para ipagpatuloy ang nasimulang hakbang.

Kasama sa impormasyon ay ang bed occupancy, staffing levels, severity level ng coronavirus patients, ventilators on hand, maging ang supply ng mask, gowns at iba pang personal protective equipment.