
Labis umanong ikinalungkot ni Department of Justice (DoJ) Sec. Menardo Guevarra ang pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Guevarra, nanghihinayang siya dahil ito sana ang pagkakataon para magtulungan ang administrasyon at oposisyon sa kampanya laban sa iligal droga.
Kawalan din aniya ang pagkakataon ni Robredo na makatulong, pero ang oportunidad na ito ay nawala dahil sa pagkakaalis sa bise presidente sa puwesto.
Isinantabi naman ni Guevarra ang alegasyon ng oposisyon partikular ni Senador Kiko Pangilinan na “bluff” lamang ang pagkakatalaga ni Pangulong Duterte kay Robredo bilang ICAD co-chair.
Para sa justice secretary, “in good faith” ang appointment ng presidente kay Robredo, ngunit nagkataon lamang na hindi naging maganda ang kinahinatnan nito.
Samantala, nang matanong naman si Guevarra kung may irerekumenda ba siyang kapalit ni Robredo bilang ICAD co-chair, sinabi ng Guevarra na maaaring hindi na kailanganin pa ng pangulo ang payo sa ganitong bagay lalo’t alam nito ang kanyang ginagawa.
Kahapon nang sibakin ni Duterte bilang drug czar si Robredo.










