-- Advertisements --

Ipinagmamalaki ni House Speaker Lord Allan Velasco na nagawa niyang pag-isahin ang mga kapwa niya kongresista sa ilalim ng kanyang liderato.

Ito aniya ang pinakamalaki niyang nagawa sa kasalukuyan bilang lider ng Kamara kasunod ng pagkawatak-watak nilang mga kongresista noong nakaraang taon bunsod ng hindi nila pagkakasundo ni dating Speaker Alan Peter Cayetano hinggil sa kanilang term-sharing agreement.

Ayon kay Velasco, nagkaroon ng 275-supermajority bloc sa ilalim ng kanyang pamumuno, mula sa 307 na miyembro ng mababang kapulungan ng Kongreso na may iba’t ibang issue at interest sa buhay.

Sa ngayon, 33 ang deputy speakers sa Kamara, pinakamarami base sa kasaysayan.

Hindi kasama sa bilang ang mga kaalyado ng nakaalitan na si Cayetano, na pinatalsik ni Velasco nang maupo siya sa puwesto noong Oktubre 2020.

Ngayong 11 buwan na lang ang nalalabi sa kanyang posisyon bilang lider ng Kamara, umaasa si Velasco na maipagpapatuloy nila ang pagsusulong sa nalalabing priority bills ni Pangulong Rodrigo Duterte sa resumption ng session sa susunod na linggo.