-- Advertisements --

house4
House Speaker Martin Romualdez

Sisimulan na ngayong araw ng Kamara ang deliberasyon sa committee level ang 2023 proposed national budget na nagkakahalaga ng 5.268-Trillion pesos.

Sa gagawing budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), magpi-prisinta ang mga miyembro ng economic team ng Marcos administration sa paggagamitan ng panukalang budget para sa susunod na taon.

Kabilang sa magpapaliwanag sina Budget Secretary Amenah Pangandaman, NEDA Secretary Arsenio Balisacan, Finance Secretary Benjamin Diokno at Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP Governor Felipe Medalla.

Tatalakayin ng DBCC ang sources of financing, expenditure levels at budget proposal ng ibat-ibang ahensiya ng gobyerno.

Una rito, sinabi ni House Speaker Martin Romualdez, sisikapin ng Kamara na matapos ang pagtalakay at deliberasyon sa 2023 proposed national budget bago mag-October 1 – bago mag-recess ang 19th Congress hanggang November 6.

Siniguro rin ni Speaker Romualdez sa kanyang mga kasamahan at sa bansa na ang Kamara, sa pagsasaalang-alang at pag-apruba sa 2023 pambansang badyet, ay “epektibong tutugon sa mga pangangailangan ng mga tao, lalo na sa pagtugon sa patuloy na epekto ng krisis sa kalusugan, at sa paglikha ng mas maraming trabaho at pagtiyak ng seguridad sa pagkain.”

Naisumite na noong Lunes sa Kamara ni Secretary Pangandaman ang kopya ng National Expenditure Program o 2023 proposed national budget na nagkakahalaga ng 5.268-trillion pesos.

Samantala, ayon naman kay Marikina City Rep. Stella Quimbo, senior vice chairperson ng committee on appropriations, ang panel na pinamumunuan ni Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ay naglalayon na matapos ang mga pagdinig nito sa Setyembre 16.

Ayon kay Quimbo mayruong dalawang linggo ang Kamara para sa mga talakayan sa plenaryo at pag-apruba ng panukalang 2023 budget.

Ang budget sa susunod na taon ay mas mataas ng 4.9 porsiyento o higit P244 bilyon kaysa sa P5.024 trilyon ngayong 2022.

Batay sa mga dokumento ng badyet, ang proposed 2023 national budget ay nagta-target na magpatupad ng walong puntong adyenda: seguridad sa pagkain, pinabuting transportasyon, abot-kaya at malinis na enerhiya, serbisyong panlipunan, pangangalaga sa kalusugan, harapang edukasyon, bureaucratic efficiency, at maayos na pamamahala sa pananalapi.

Ang kabuuang P1.2 trillion ay allocated para sa “shovel-ready” infrastructure projects sa ilalim ng Marcos administration’s Build Better More Program, “to propel growth in agriculture, trade and tourism sectors and eventually reduce transportation and logistics costs.”

Ang education sector ang makakatanggap ng pinakamalaking budget na nasa P852.8 billion, habang ang health sector ay mayruong P296.3 billion.

Tumaas din ang budget para sa intelligence fund ng Office of the President.