-- Advertisements --
image 454

Pinalawig pa ng Commission on Elections (Comelec) ang paghahain ng disqualification complaints laban sa mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong taon sa loob ng 5 araw.

Sa isang resolution, sinabi ng poll body na mahalagang maayos ang period ng paghahain ng mga petisyon para sa diskwalipikasyon para makamit ang kampaniya ng komisyon kontra sa maagang pangangampaniya, pagbili at pagbenta ng boto para maprotektahan ang integridad ng halalan.

Mayroong tatlong pagbabago sa paghahain ng disqualification petitions. Una, ang petisyon ay dapat na maihain sa loob ng 5 araw subalit hindi dapat lumagpas sa petsa ng proklamasyon ng kandidato matapos madiskubreng nilabag ang Section 68 ng Omnibus Election Code.

Ikalawa, kapag ang isang kandidato ay nasentensiyahan ng paglabag may kinalaman sa moral turipitude, natanggal mula sa posisyon o na-convict sa paglabag sa sinumpaang tungkulin salig sa Section 40 ng Local Government Code of 1991, dapat na naihain ang isang petisyon mula noong maghain ng certificate of candidacy subalit hindi lalagpas sa petsa ng proklamasyon.

Lahat ng grounds para sa diskwalipikasyon ng kandidato ay dapat na maihain sa loob ng limang araw ng COC filing. Ito ay pareho din para sa petisyon para kanselahin ang COC o ideklara ang isang kandidato bilang nuisance.

Sa pinakahuling datos ng poll body noong Setyembre 8, nakatanggap na ang komisyon ng 160 petsiyon para idiskwalipika, kanselahin at ideklara ang isang nuisance candidate.