-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Idineklara ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar na ang paghahain ng certificates of candidacy (CoC) sa buong bansa ay naging mapayapa.

Sa kanyang pagbisita sa Aklan Police Provincial Office (APPO) sa Camp Pastor Martelino, pinasalamatan nito ang mga kapulisan at iba pang ahensiya ng pamahalaan na nagbantay sa mga pinagdausan ng filing ng CoC ng mga kakandidato sa eleksyon sa susunod na taon.

Simula aniya sa nang araw hanggang sa huling araw ng paghahain ng CoC ay walang nangyaring untoward incidents at nasunod ang health and safety protocols.

Samantala, sa isinagawang inspeksyon sa Kalibo Municipal Police Station, pinuri ni Gen. Eleazar ang mga kapulisan dahil sa pagsunod nito sa kanilang mandato kaugnay sa ipinatutupad na Intensified Cleanliness Policy (ICP) ng PNP.

Binigyang-diin pa nito ang kahalagahan ng pagpapatupad ng mga polisiya sa hanay ng kapulisan at pananatili ng kalinisan sa mga himpilan ng pulisya para makuha ang respeto, tiwala at kumpiyansa ng mamamayan.

Ito aniya ang ikalawang beses na nakapunta siya sa Aklan, kung saan noong 2005 ang huli matapos ang pagbisita sa burol ng pinaslang na dating hepe ng Kalibo PNP na kanyang kaklase sa Philippine Military Academy (PMA).