-- Advertisements --
NAGA CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa report patungkol sa umano’y babaeng gumagamit ng iligal na droga sa loob ng quarantine facility sa Naga City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSM/Sgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office (NCPO), sinabi nitong may nakarating sa kanila na impormasyon na may nakunan ng footage habang gumagamit ng pinagbabawal na gamot sa loob ng pasilidad.
Ayon kay Bongon, may direktiba na rin si P/Col. Marlon Catan, City Director ng NCPO para maimbestigahan ang insidente.
Sakaling mapatunayang totoo ang report, posible aniyang maharap sa karampatang kaso ang suspek.