-- Advertisements --

Cauayan City – May natukoy na ang mga pulis na persons of interest sa pagdukot, pagpatay at pagtapon sa irirgation canal sa bangkay ng isang estudyante ilang araw matapos na mawala noong Pebrero 17, 2020.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt Reynold Gonzales, acting chief of police ng Diffun Police station na nagtutulungan ang kanilang himpilan at Santiago City police Office o SCPO para malutas ang kaso sa pagpatay sa estudyanteng si Abigail Arquero Tan ng Santiago National High School.

Ayon kay PCapt. Gonzales, matapos nilang makuha ang bangkay ng biktima ay agad silang nakipag ugnayan sa SCPO.

Ang naaagnas nang bangkay ng biktima ay positibong kinilala ng kanyang kapatid na si Mark Alvin Tan.

Lumalabas sa isinagawang awtopsiya sa bangkay ni Tan na tama ng bala ng baril sa mukha na tumagos sa kaniyang batok ang sanhi ng kaniyang kamatayan.

Maaaring kinuha ang biktima sa four lanes sa Malvar Santiago City kung saan natagpuan ang kanyang motorsiklo at posibleng patay na siya nang itapon sa Isidro Paredes, Diffun Quirino.

Maaaring sa loob ng isang sasakyan binaril at pinatay si Tan dahil sa kawalan ng mga ebidensiyang nakuha sa lugar kung saan natagpuan ang kanyang bangkay.

Ayon kay PCapt. Gonzales, patuloy ang kanilang pagsisiyasat at pangangalap ng mga testimonial at circumstantial evidence sa pagpatay sa biktima.