-- Advertisements --

Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na limitahan lang sa tinatawag na family bubble ang pagdiriwang ng Pasko.

Ito’y sa gitna na rin ng pangamba na muling sumipa ang mga kaso ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) dahil sa mga pagtitipon habang papalapit na ang Pasko.

Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, pinaiiwas nila ang mga tao sa pagdaraos ng tradisyunal na pagtitipon tulad ng Christmas party sa family reunion, trabaho at mga kaibigan bilang pag-iingat sa nakakamatay na virus.

Gayunman, kung hindi ito maiiwasan ay puwedeng limitahan na lamang ang pagtitipon sa maliit na pamilya at mga kaibigan na bakunado na laban sa COVID-19.

Muling nagpaalala ang PNP chief sa publiko na sumunod sa health protocol.