Pinagkokomento nang Department of Justice (DoJ) ang naghain ng reklamo kaugnay sa sinasabing paglabag ni Sen. Koko Pimentel sa self quarantine matapos magpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Atty. Rico Quicho na siyang naghain ng reklamo sa DoJ, inatasan na raw siya ng Justice department na maghain ng hard copy ng kanyang reklamo sa loob ng limang araw kapag natapos na ang enhanced community quarantine.
Kailangan umanong personal na magtungo ang naturang abogado sa DoJ para panumpaan ang kanyang salaysay kasama ang mga annexes.
Itinakda naman ang tentative date sa preliminary investigation sa May 20, 2020.
Nag-ugat ang reklamo dahil umano sa pagiging pabaya si Sen. Pimentel nang nagtungo ito sa Makati Medical Center sa panahong siya pala ay positibo sa covid dahilan para malagay sa peligro ang publiko lalo na ang mga health workers ng naturang ospital na umasikaso sa kanilang mag-asawa.
Una rito, sa pamamagitan ng electronic filing, sinampahan ng abogado sa DoJ si Pimentel ng kasong paglabag za RA 11332 at ang implementing rules and regulation ng naturang batas maging ang ilang regulasyon ng Department of Health (DoH).
Sa ilalim ng R.A. 11332 o mandatory reporting of notifiable diseases and health events of public health concern act, maaaring makulong ng hanggang anim na buwan o pagmultahin ang isang indibidwal na lumabag sa btas mula P20,000 hanggang P50,000.