-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Umaabot na sa 1,000 meters ang pagdausdos ng lava mula sa summit crater ng Bulkang Mayon.

Ito ay sa gitna ng patuloy na namo-monitor na lava flow dahil mabagal lamang aniya ang pagdausdos nito.

Subalit ayon kay Phivolcs resident volcanologist Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi pa tinitingnan na aabot ito sa mga kabahayan sa paanan ng naturang bulkan.

Wala rin aniyang tao sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone dahil nailikas na ang mga ito sa nakalipas na mga araw.

Samantala, bahagyang nagkaroon ng pagtaas sa naitalang rockfall events na umabot pa sa 309 habang pitong volcanic earthquake rin ang na-monitor.

Ayon kay Alanis, napanatili sa bahagi ng Misi at Bonga gullies ang dinadaanan ng volcanic materials.

Kaugnay nito ay patuloy ang paalala ng ahensya sa publiko na iwasan ang pagbabalik sa loob ng danger zones.