Naantala kahapon ang pagdala sa lunsod ng Cauayan sa mga labi ng mga pasahero at piloto ng bumagsak na Cessna 206 Plane sa Divilacan, Isabela dahil sa maulan na panahon.
Noong araw ng linggo ay matagumpay na naibaba ng composite team sa Divilacan proper ang mga bangkay ng anim na sakay ng cessna plane at susunduin sana ng helikopter ng Philippine Air Force kahapon subalit hindi natuloy dahil sa hindi magandang lagay ng panahon.
Umaasa ang Incident Management Team na gaganda na ang lagay ng panahon ngayong araw upang madala na sa lunsod ng Cauayan ang mga labi ng mga biktima.
Sa ngayon ay nasa Cauayan City na ang pamilya ng mga biktima at hinihintay ang pagdating ng labi ng kanilang mga mahal sa buhay.
SAMANTALA, natutuwa ang Incident Management Team dahil natapos na ang misyon sa paghahanap sa bangkay ng anim na sakay ng bumagsak na eroplano.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Ariel Agustin ng Maconacon, Isabela na siya ring Team Leader ng Search and Rescue Team ng Maconacon na ang isa nilang kasama ang unang nakakita sa upuan ng eroplano sa crash site at nang kanilang ikutan at suriin ang lugar ay nakita ang wreckage ng eroplano at bangkay ng anim na sakay nito.
Bago nila narating ang crash site ay naglakad sila ng halos dalawang araw.
Aniya, noong una nilang puntahan ang crash site ay hindi sila nagtagumpay dahil malakas ang ulan at mataas ang antas ng tubig sa ilog na kailangan nilang tawirin.
Mahirap aniyang mapuntahan ang lugar dahil may mga falls na dadaanan bukod pa sa maduas ang daan at mga bato sa bundok.
Sinabi pa ni MDRRM Officer Agustin na habang naghahanap sila sa cessna plane ay lagi silang nagdarasal na mahanapan ang mga pasahero at eroplano upang matulungan at maibsan ang nararamdamang hinagpis ng pamilya ng mga biktima.
Hinintay nila sa crash site ang binuong Composite Retrieval Team at mga pulis na nagsagawa ng pagsisiyasat.
Nagkasakit din ang isa nilang kasama at nabigyan ng gamot na dala ng mga kasapi ng Phil. Coastguard at nang gumaling ay tumulong din na nagbuhat sa mga bangkay upang maibaba mula sa bundok ng Ditarum patungong Divilacan Proper.