KALIBO, Aklan – Nakapagtala ng 1,732 na foreign tourist arrivals sa Isla ng Boracay simula Marso 1 hanggang 24 ayon sa Malay Tourism Office.
Ayon kay Chief Tourism Operations Officer Felix delos Santos, patuloy ang pagdating ng mga dayuhang turista mula nang buksan ang borders ng Pilipinas para sa mga ito mula nitong Pebrero 10.
Kumpiyansa umano silang lalo pang lalago ang turismo sa isla na makakatulong nang malaki sa ekonomiya simula sa Abril 1, kung saan, welcome na ang lahat ng foreign tourist kabilang ang mga mula sa visa countries.
Sa tala ng MTO, sa mga dayuhang turista na dumating sa Boracay mula noong nakaraang buwan, pinakamarami ang mula sa Estados Unidos, sinundan ng United Kingdom, France, Canada, Singapore at South Korea.
Kasabay ng pagpapalakas sa turismo, tinututukan din ng kaukulang ahensiya ng gobyerno ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum health protocol.
Tanging Covid-19 vaccine certificates lamang ang kailangan ngayon upang makapasok sa Boracay na walang anumang restrictions.
Samantala, lomobo pa sa 111,022 ang domestic tourists ngayong Marso na mas mataas kumpara sa 80,095 na naitala noong Pebrero.
Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang airline companies na nagkumpirma sa pagkakaroon ng direct o chartered flights mula sa mainland China, South Korea, Macau, o Taiwan sa Kalibo International Airport.










