Naging ala-blockbuster ang pagbukas ng kauna-unahang horror house sa bayan ng Kalibo, Aklan.
Sa kabila ng pagbuhos ng ulan ay hindi nagpatinag ang mga kabataan at matyagang pumila para lamang masilayan ang ipinagmalaking atraksyon sa bayan bilang bahagi ng paggunita ng Undas.
Ayon kay Carla Doromal, Executive Assistant 1 to the Mayor na mula sa madidilim na kwarto sa una hanggang sa ikatlong palapag ng gusali ay mayroong exciting part kung saan, magagaling ang mga talent at actors na naghahasik ng takot at kaba sa mga parokyano.
Bukas ang horror house mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-12:00 ng hating gabi na magtatagal hanggang Nobyembre 1.
Dagdag pa ni Doromal na bawal pumasok ang may sakit sa puso kung saan, ang pinahihintulutan lamang ay 12 taong gulang pataas gayundin bawal ang cellphone sa loob.
Ang malilikom na kita mula sa P50 na entrance fee ay ipambayad umano sa mga talent, actors, operations at ibibigay sa charity.
Ang pinakamalaking horror house sa bayan ng Kalibo ay inisyatibo ng lokal na pamahalaan.