-- Advertisements --
image 310

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs sa Department of Migrant Workers para sa repatriation ng mga labi ng limang Pilipinong nasawi sa paglubog ng Chinese fishing vessel sa Indian Ocean noong Mayo-16.

Matatandaang walang nakaligtas na crew sa lumubog na F/V Lu Peng Yuan 028, kung saan nakasakay ang 17 Chinese, 17 Indonesian, at 5 Filipino.

Maliban sa pagbibiyahe sa mga labi ng mga ito, pinaplano na rin umano ng DFA at DMW ang mga benepisyong maaaring ibigay sa pamilya ng mga nasawing Filipino crew.

Sa ngayon, sinabi ng DFA na nakamonitor ito sa development ng nasabing insidente, habang patuloy pa rin ang ginagawa ng mga rescuers na retrieval operations sa mga katawan ng mga namatay na crew.

Bagaman may mga katawan nang narekober mula sa karagatan, may ilan pa umanong katawan na nasa loob ng lumubog na barko, at pahirapan ang pagkuha sa mga ito, dala na rin ng tuluyang pag-decompose ng mga katawan at ang kontaminasyon ng tubig kung saan lumubog ang barko.

Sa ginawang search operations, nagtulungan ang mga asstes ng Australia, China, India, at Sri lanka. Maging ang Pilipinas ay nagpadala rin dati ng ilan sa mga air at sea assets nito.