-- Advertisements --

Nagbitiw ngayon sa puwesto si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Socorro Inting sa hawak na komite matapos ang desisyon ng en banc na pagkalooban ng otoridad kay Chairman Saidamen Pangarungan na magbigay ng gun exemptions.

Binigyan din daw kasi ito ng kapangyarihang ilagay ang ilang lugar sa kontrol ng komisyon sa mga “meritorious at urgent cases.”

Nagpadala si Inting ng formal memorandum sa en banc at sinabi nitong irrevocable ang kanyang pagre-resign bilang chairperson ng Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns (CBFSC).

Ayon kay Inting, wala raw punto ang pagkakaloob ng kapangyarihan sa chairman ng komisyon na maari itong magbigay ng gun ban exemptions dahil sa malabo at arbitrary phrase na “meritorious at urgent cases.”

Dahil dito, hindi raw kaya ng kanyang konsensiya na maging CBSFC Chairperson dahil ang naturang posisyon ay wala nang silbi dahil sa pagpapatupad ng Comelec Resolution No. 10777.

Kung maalala, noong Lunes ay napagkalooban si Pangarungan ng naturang kapangyarihan sa pamamagitan ng botong 4-3.

Inanunsiyo rin ng komisyon na ang gun ban exemptions ay ipagkakaloob sa mga qualified senior government officials, National Bureau of Investigation agents at election officers.