Magandang halimbawa raw ang ipinakita ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa ginawa nitong pagbibitiw sa pwesto bilang contact tracing czar ng bansa makaraang madawit ito sa isang kontrobersya.
Sinabi ni Rev. Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na dahil sa ginawa ni Magalong ay nakita ng publiko na maaaring akuin ng mga government officials ang kanilang pagkakamali.
Magugunita na noong Biyernes ay ipinaabot ni Magalong ang kaniyang pagbibitiw sa pwesto bilang contact tracing czar dahil sa pagdalo nito at kaniyang misis sa isang engrandeng birthday party ng event organizer na si Tim Yap.
Inako rin ng alkalde ng Baguio ang kaniyang pagkukulang na hindi naitama ang mga paglabag na nakita sa nasabing pagtitipon.
May ilan pang bisita na hindi rin nakasuot ng face masks at wala ring physical distancing.
Nagpapatunay lang aniya na hindi lahat ng lider ay takot na harapin ang kanilang kasalanan dahil ang iba ay kumakapit lang sa kanilang posisyon.