-- Advertisements --

Ipinagpasalamat ng OWWA ang pag-apruba ng Department of Budget and Management (DBM) sa release ng kanilang karagdagang P5-billion allotment at cash allocation.

Sa isang panayam, sinabi ni OWWA administrator Hans J. Cacdac malaki ang maitutulong sa kanila ng naturang halaga para sa nagpapatuloy na emergency repatriation ng mga OFWs na apektado ang kabuhayan ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Cacdac, gagamitin nila ang naturang halaga para sa pagkain, accomodation at transport ng mga repatriated OFWs.

Sinab ni Budget Assistant Secretary at spokesman Rolando U. Toledo na ang karagdagang pondo na ito ng OWWA ay manggagaling mula sa pooled savings ng pamahalaan.

Mababatid na kamakailan lang ay umapela ang OWWA sa mga mambabatas na bigyan sila ng karagdagang pondo dahil sa lumulobo na sa ngayon ang kanilang nagagastos sa pagtulong at pagpapa-uwi ng libu-libong migrant workers na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Iginiit ni Cacdac na maaring sa susunod na taon ay maubos na ang natitirang P18 billion trust fund ng PWWA kung magpapatuloy ang mass repatriation ng mga OFWs.