-- Advertisements --

Suportado ng Armed Forces of the Philippines ang pagbibigay ng amnestiya sa mga dating miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front.

Ito ay matapos na ipasa ng Senado ang isang resolusyon na naggagawad ng amnestiya sa mga dating miyembro ng mga komunistang teroristang grupo na nagbalik-loob nang muli sa pamahalaan.

Ayon sa Hukbong Sandatahan, maituturing itong tagumpay para sa mga Pilipino sapagkat makapagbibigay-daan ito para tuluyan nang mawakasan ang insurhensya sa bansa.

Bukod dito ay ipinunto rin ng AFP na ang paggawad ng amnestiya sa mga dating rebelde ay makakatulong na mas lalo pang mapahina ang puwersa ng NPA lalo na’t kasalukuyan na silang nakakaranas ng leadership vacuum matapos ang sunud-sunod na pagkakanutralisa ng mga pinuno at miyembro nito sa pakikipagsagupaan sa militar.

Samantala, kaugnay nito ay naniniwala rin ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na malapit nang matuldukan ang anumang tangkang paghihikayat ng mga rebelde dahil sa kanilang ipinapatupad na Retooled Community Support Program para laban ang pagpapakalat sa mali at mapanlinlang na ideolohiya ng CPP-NPA-NDF.